Huwebes, Oktubre 31, 2013

Bagong Passion

Hindi ka makakapaniwala na ang pagpipinta na ang "passion" ko ngayon.
Nanghihinayang ka ba na hindi na ako nagba-basketball at tuluyan nang nagbakasyon?
Wag kang mag-alala, kaibigan, nagawa ko na ang aking misyon.
Sinwerte, nakatapos sa Ateneo at nagkamit ang maganadang edukasyon. 
Ano nga ulit ang tanong mo kung nasaan ako ngayon?
Ang sagot ko ay "Masaya sa aking bagong propesyon."
Ngayo'y nakakalibot na rin sa iba't ibang lokasyon.
Halina't sumama at maging bahagi ng aking bagong misyon.
Please, 'wag kang kokontra na para bang taga-oposisyon. 
Halina't sumporta sa aking bagong ambisyon.
Kulturang Pilipino'y ipakilala sa buong nasyon!

Hindi ko akalain na mahihilig at maaadik ako sa pag-pipinta at sa mga paintings pero dati pa man ay mahilig na akong tumingin-tingin at humanga sa magagandang obra nina Juan Luna, Fernando Amorsolo, Ang Kiukok at iba't iba pang mga artist. Akalain mo nga namang ako ay suswertihin at binigyan ako ng art materials ng aking asawa (na girlfriend pa lamang noon) na si Addie at doon na nagsimula ang kahibangan ko sa mga paintings.

Ito ang tatlong paintings na nagawa ko. Ang ginagawa ko, minsan pinang-reregalo ko sa aking mga kaibigan at mga mahal sa buhay lalung lalo na sa aking mga guro noong ako ay nag-aaral pa lamang. Upang hindi nila ako makalimutan bilang isang magaling na basketball player at isama na natin ang pagiging isang magaling na mag-aaral at pintor (asa pa ako, hahaha).

Ito ang mga paintings ko.



 
                                                             
Pero kung tutuusin, mas magaling na pintor ang aking asawa kaysa sakin at sa kanya talaga ako kumukuha ng inspirasyon.

Ito naman ang mga paintings na nilikha ni Addie Sullivan.

                                                                   
                                                                   

                                                               
Talagang mahilig ako sa paintings. Sa katunayan, isang karangalan ang ipakilala ko sa inyo ang para sa akin ay pinaka-magaling na pintor na nakilala ko. Si Maestro Ronilo Abayan.

Ito naman ang mga likha ni Maestro Abayan.


                                                             
                                                           
Maestro Abayan with Aya, one of his models
                                                             
                                                             
                                                               
                                                           
Ngayon alam mo na kung bakit buwang na buwang ako sa pagpipinta. Passion ko na ngayon ito. Para sa akin, napakahalaga na bigyang-oras natin ang galing at talento ng bawat Pilipino. Minsan lamang sa ating buhay makasabay ang ganito kagaling na maestro at napag-pasiyahan ko na din na hindi ko na hihintayin siyang mamatay bago ko siya mapahalagahan o mabigyang-pugay. Palaging sinasabi sakin ni maestro na napakahalaga na mapreserba natin ang ating kultura at tradisyon upang makita natin lagi kung saan tayo nanggaling at hindi natin ito malimutan.

 Kailangang maipamana ang lahat ng mga ito sa susunod na henerasyon.
Kaya ikaw, kaibigan, tanungin mo ang sarili mo kung ano ang iyong tunay na "passion".
Huwag tumingin sa paligid at maghangad ng mataas na posisyon.
Hindi kailangang ipagyabang kung anong mayroon ka na para bang gusto mong magpa-prusisyon.
Masakit kung nabubuhay ka lamang na parang walang misyon.
Gayahin natin si Maestro Abayan na ang paghihirap ay ginawan ng solusyon.
Nangarap ng matayog upang makamit lahat ng kanyang ambisyon.

Bow.

Ako si Jobe

Ako si Jobe Sherwin Eleria Nkemakolam. Ipinanganak noong ika-11 ng Nobyembre, taong 1984.


Kung pagmamasdan, mapapangiti ka na lamang,
Mahimbing na natutulog sa duyang gawa ng 'king magulang,
Ang sarap pagmasdan, kalmado at walang kamuwang-muwang,
Marahil kaya ako lumaki na buo ang loob, walang labis, walang kulang.

                                                        Juan Luna Elementary School

Sa elementarya kung saan ako natuto magbasa't sumulat,
Namulat sa katoohanan at bahagyang nagulat,
Kapalaran pala'y sadyang masaklap,
Kinakailangang ako'y lalong magsumikap.

                                               San Sebastian College - Recoletos High School

Noong high school,
Nagsimulang mag-iskul bukol,
Nagpapanggap at palaging nagpapa-cool,
Ngunit mas madalas na hindi pumapasok sa school.

                                                                       RP Youth Team

Pinagpalang biglang lumaki ng bahagya,
Humaba ang katawan pati na ang mga binti,
Nakuha sa pambansang koponan, abot langit ang ngiti,
Madaming oportunidad, hindi na gaya ng dati.

                                                          Ginoong Jojo "Mcguire" Dela Rama

Alas-dos ng madaling araw, sinundo at tumayo sa kama,
Binigyan ng pagkakataon ni Ginoong Jojo Dela Rama,
Nagising sa katotohanan, lumambot ang kama,
At diyan na nagsimula ang tunay na drama.

                                          Reedley International School Back to Back Champion
                                                             Reedley Silverbacks

Bagong buhay, bagong eskwela, bagong kasama, bagong kapamilya,
Lahat nag-aabang, patok sa takilya,
Napagchampion ang Silverback na Goriila.
Hindi lang nila alam utak pala ay may kilya.

                                                                            Addie

Hindi ko maisulat ang gusto kong isulat,
Basta mata ko ay namulat,
Pinatunayan mo hindi malas ang puwet kong may balat,
Umayos ang buhay kong dati'y kalat-kalat.

                                                          2008 UAAP Champion





2008 nang maging presidente si Obama,
Marso ng sumunod na taon, nakuha ko ang aking diploma,
Ang aking pinakamamahal nagpasyang sumama,
At sa awa ng Diyos, siya'y naging ganap na ina.

My Little Igorots

Seryoso na.

Sa totoo lang,  ito ang aking kauna-unahang pagkakataong kong sumulat ng blog. Na-inspre lamang ako sa aking kaklase at kaibigan na si Mark Delgado.

Ako ay si Jobe Nkemakolam. Lumaki ako sa Sampaloc sa Maynila. Pinalad akong mabigyan ng mataas na height ng Poong Maykapal na tamang-tama upang makapag-laro ng basketball. Dahil dito, nakapag-aral ako sa iba't ibang paaralan.  Nanggaling lang ako sa mababapang paaralan ng Juan Luna at doon nagsimulang mag-level up.

Nag-aral ako sa mataas na paaralan ng San Sebastian at lalo pang nag-level up nang mapunta sa Reedley International School. Mas lalo pa akong nag-level up nang sa kolehiyo ay nakapagtapos ako sa Ateneo de Manila University.

Malaking tulong ang experiences ko sa Ateneo. Maraming katanungan ang nasagot. Sa totoo lang, mahirap ang lumaki sa piling lamang ng ina at lola pero dahil dito ay naging mapagmahal ako sa mga babae at naging babaero din (joke lang, feeling pogi). Pero seryoso, iba ang pagmamahal ng ina at lola. Walang katumbas. Lahat ibibigay nila para mapaganda ang buhay ng anak nila.

Sa aking pag-aaral, madami akong nakilala mula sa mga matataas na tao (sing-taas ng 7 feet) hanggang sa mabababa naman at malilinggit. Napagtanto ko na singdami ng pagkakaiba natin ang atin ring pagakakatulad.


Una, lahat tayo ay may iba't ibang ugali, tradisyon, pangarap, problema, minamahal at kinasusuklaman.

Ngunit sa dami ng pagkakaiba natin, ang pagkakapare-pareho natin ay nasa iisang bagay - ang kamatayan.

Minsan mahirap isipin ngunit ito ang katotohanan. Kaya nga habang may buhay pa tayo, sikapin nating mapuno ng pag-asa at sikapin natin magpagkatao.